SI SINAS, ANG US ELECTIONS AT MGA DAYUHANG KONTRAKTOR

0
5

Credit: Read the original article from Remate.ph.

 

SI Major-General Debold “Mañanita” Sinas ang bagong Philippine National Police Chief.

Tara, party na!

* * *

Napapaisip ako: Ilang botante kaya ni Trump, na karamihan ay tumangging magsuot ng face mask, ang namatay sa COVID?

Kung buhay kaya sila para sa kanyang reelection, naging iba kaya ang resulta ng halalan?

* * *

Matagal nang tapos ang Undas, pero minumulto pa rin ako ng isang masamang ideya na posibleng makaapekto nang matindi sa mga Filipinong kontraktor.

Umaapela sa Korte Suprema ang mga Filipinong kontraktor at ang Office of the Solicitor General (OSG) upang baligtarin nito ang pasya noong Marso 10 nang ibinasura nito ang pangunahing probisyon sa implementing rules and regulations ng R. A. 4566 o ang Contractors’ License Law.

Para mas madaling maintindihan, nakasaad sa probisyong ito na ang mga dayuhang kontraktor ay dapat munang makakuha ng isang espesyal na lisensiya bago simulan ang anomang construction activity sa bansa.

Pero dahil sa naging desisyon ng Korte Suprema, ang mga dayuhang kompanya – silang suportado ng naglalakihang kapital – ay maaari na ngayong mag-apply ng mga regular na lisensya para makibahagi sa mga lokal na pagawain.

Alam n’yo na ngayon kung bakit todo-gastos ang Philippine Constructors Association Inc. (PCA) simula nang isapubliko ang desisyong ito noong Agosto 26.

Kailangan nilang makipagkumpetensya sa mga dayuhan, na malaki ang posibilidad na ikonsiderang mas may kakayahan kaysa sa kanila.

Partikular na apektado nito ang mga kontractor na nabibilang sa kategoryang micro, small, medium enterprises (MSMEs).

Bahagya na nga nilang nalampasan ang matinding dagok-pinansyal ng COVID-19 pandemic, maliligtasan naman kaya nila ngayon ang delubyong hatid ng mga dayuhang kontraktor?

Hindi maiwasang maisip na parang nauulit lang ang maling implementasyon ng Rice Tariffication Law.

Bagamat magaganda ang mga layunin nito (suporta sa pagkakaloob ng mga binhi at makinang pangsaka para sa mga nagtatanim), naging dahilan ang batas na ito upang bumaha ang mas murang imported na bigas sa merkado dahil sa pagtatanggal ng limitasyon sa bulto ng inaangkat na bigas kapalit ng mga taripa.

Minsan ko nang pinuri ang gobyerno sa pagsisikap nitong mapababa ang presyo ng bigas para sa bawat Juan at Juana, at nagbabalang dapat na buong ingat na ipatupad ang batas na ito upang matiyak na pakikinabangan ito ng mga magsasaka at hindi magbibigay-tuldok sa kanilang industriya sa pamamagitan ng pagbuhos ng imported na bigas sa merkado.

Malinaw na hindi ganito ang nangyari.

Ang pinakapuri-puring batas ay ipinasa noong Pebrero 2019 at bago pa man matapos ang taon, ang Pilipinas na raw ang pangunahing nag-aangkat ng bigas sa mundo.

Hindi ito kaiga-igayang pakinggan bilang isa tayong bansang agrikultural.

Maliban na lang kung may agarang aaksyon, maaaring mauwi rin sa ganito kamiserableng kalagayan ang mga Filipino contractors.

Hindi ba’t ang pagpapabuti ng mga imprastraktura ang sinasabing magsasalba sa bansa mula sa pagkakasadsad ng ekonomiya na epekto ng pandemya?

Naniniwala akong posible ito kung ang mga Filipinong kontractor, na nag-eempleyo ng mga Pinoy, ang mismong makikinabang sa mga kinikita sa mga pagawaing ito, o iyong hindi na kailangang kumuha pa ng iba dahil lang uubra iyon, batay sa naging pasya ng Korte Suprema.

Ang paggagawad ng mga kontrata sa mga dayuhang kompanya ay malinaw na paglilipat ng pondo sa labas ng bansa, sa halip na panatilihin iyon dito at ipagkatiwala sa kakayahan ng ating ekonomya sa pagpapalago.

Ang problemang ito ay nauunawaan ng ilang kongresista na naghain nitong nakaraang buwan ng hindi bababa sa tatlong panukala na layuning tiyakin na gagawing prayoridad ang mga Filipinong kontractor kaysa mga dayuhan sa mga lokal na construction projects.

Gagawin nila ito sa pamamagitan ng pag-amyenda sa RA No.4566.

Sinabi ng isa sa mga may-akda ng panukala, si Construction Workers Solidarity Party-List Rep. Romeo Momo Sr., na hangad niyang “unahin ang kapakanan ng mga Filipino sa pagtiyak na gagawing prayoridad ang industriya, manggagawa, at materyales ng Pilipinas sa pagpasok ng mga banyagang kontraktor sa bansa”.

Mabuti ang intensyon ng panukala, pero napakabagal ng proseso ng paglikha at pagpapatupad ng batas.

Wala pa ring kasiguruhan kung ang mga hakbanging pabor sa mga lokal na kontractor ay mabibigyan ng kinakailangan sa harap ng krisis na dulot ng COVID-19.

Sa ngayon, umaasa tayong hindi sasapitin ng ating mga Filipinong kontraktor ang pagdurusa ng ating mga kaawa-awang magsasaka.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here