Pinas, hihiram ng $300M pambili ng bakuna kontra COVID-19

0
12

Credit: Read the original article from Remate.ph.

 

Manila, Philippines – Hihiram ang gobyerno ng Pilipinas ng $300 million para bumili ng bakuna laban sa  coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa public address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Martes ng gabi ay sinabi nito na prayoridad ng pamahalaan na mabakunahan ang mga mahihirap at dedma naman sa mga nasa Class ABC.

“[Finance Secretary Carlos Dominguez III] says that he can borrow money of $300 million plus… Makapamili tayo but I think it would do as well to also realize that unahin talaga nila (vaccine manufacturers), ‘yung mga tao nila,” ayon sa Pangulo.

“Sa ngayon, magbili ka. Mahal. As I have promised, gastos ng gobyerno itong bakuna para sa lahat ng Pilipino kaya nga uumpisahan natin sa mga mahihirap pataas. . . .  Iyong A,B crowd hindi na tayo mag gastos dyan kasi mga milyonaryo na yan,” diing  pahayag nito.

Matatandaang, inatasan ni Pangulong Duterte si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na iprayoridad ang mga mahihirap na Pilipino sa mga makakatanggap ng bakuna laban sa COVID-19.

Sinabi  kasi ni Galvez na ang COVID-19 immunization program ay magiging patas sa lahat, mayaman man o mahirap.

Sinabi ni Pangulong Duterte na ang mga mahihirap na benepisyaryo sa ilalim ng cash subsidy program ng pamahalaan ang dapat maunang mababakunahan.

Katwiran pa ng Pangulo, kaya naman ng mga mayayaman na bumili ng sarili nilang bakuna.

Kaugnay nito, iprinisenta ni Galvez kay Pangulong Duterte ang ‘Philippine National Vaccine Roadmap’ kung saan magiging time-based at objective-based.

Bago ito, sinabi ni Pangulong Duterte na tanging si Galvez lamang ang awtorisadong opisyal para makikipagnegosasyon para vaccine supply ng bansa.

Nais din ng Pangulo na dumaan ang pagbili ng bakuna sa ilalim ng government-to-government arrangement. Kris Jose

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here