PATAY SA COVID-19: PINAS – 95, 41, 27, 55, 43; AMERIKA – 1,718, 2,076, 2,059, 1,614, 1,162

0
1

Credit: Read the original article from Remate.ph.

 

SA nakalipas na limang araw, mga Bro, ‘yan ang mga rekord ng patay sa coronavirus disease o COVID-19 sa mahal kong Pinas at sa Amerika.

Dahil sa ganitong pangyayari, nakapagtala na ang Amerika ng 261,790 patay simula nang pumutok ang nasabing pandemya noong Disyembre 2019 hanggang sa mga araw na ito.

Hindi biro-biro ito at sa totoo lang, nakatatakot.

Isipin ninyo, nahigitan pa ng patay sa COVID-19 sa Amerika ang kabuuang bilang ng mga pulis sa Pinas na nasa 205,000 at doble pa nga sa bilang ng mga sundalo natin na nasa 125.000.

Mas marami rin ang bilang ng tinamaan ng pandemya sa Amerika sa bilang na 12,450,666 kumpara sa kabuuang populasyon ng Metro Manila na mahigit 12,000,000 lamang.

Ganyan katindi kung manalasa ang COVID-19 sa Amerika.

Tanong: Gusto ba nating maganap sa sarili nating bansa ang ganitong sitwasyon?

Siyempre pa, mataginting na HINDI.

SUGAL NA MALAKI

Ang nakaraang kampanyang pulitikal at halalan sa Amerika para sa posisyong pam-Pangulo nina President Donald Trump at ex-Vice President Joseph Biden ang naging mitsa ng ngayo’y grabeng COVID-19.

Sa sarbey, kalahati sa mahigit 300 milyong populasyon doon ang hindi nagsusuot ng face mask at lalong walang nagsusuot ng face shield na epektibong panlaban sa pandemya.

Lalong wala gaanong sumunod sa social distancing dahil kumpol-kumpol ang mga tao sa mga miting de avance nila.

Ngayon naman, sumugal ang ating pamahalaan sa pagpapadala ng mga pwersang relief and rescue operations sa mga sinalanta ng mga bagyo at baha.

Hiniling mismo ng Department of Interior and Local Government na luwagan ng mga LGU ang quarantine protocol sa mga pulis, sundalo, bumbero, medical worker at iba pa na galing sa iba’t ibang lugar upang umayuda sa mga biktima ng kalamidad at pumayag naman ang mga ito.

Bukod sa mga ito, natagpuan ding maraming evacuee ang kumpol-kumpol sa mga ligtas na lugar habang nanalasa ang mga bagyo at baha at maraming walang suot na face mask at face shield.

Milyong katao ang nagbakwit sa pagdating ng super bagyong si Rolly at gayundin ang naganap nang rumagasa ang baha na dala ng bagyong si Ulysses.

Isipin na lang ito: tanging ang mga pinapayagang lumabas ng bahay ang may face mask at face shield ngunit ang mga miyembro ng pamilya na hindi pinapayagan ay kasama sa mga nagbakwit na walang suot na panlaban sa COVID-19.

Hindi kaya pagmulan ng malawakang hawaan ang pagluluwag sa health protocol para sa mga umayuda at mga bakwit na sumugal na mabuhay laban mapanirang bagyo at baha?

GAWIN PA RIN ANG LAHAT

Kahit papaano, naging epektibo ang estilo ng pakikipaglaban ng pamahalaan at mamamayan sa COVID-19 at nakita ito sa Metro Manila.

Noong una, pinakamatindi ang pandemya sa Metro Manila ngunit sa huling mga araw, bumagsak na sa 4 porsyento ang nagpopositibo rito.

‘Yun bang === kada 100 katao mula sa 12 milyong residente ng Metro Manila, 4 na lang ang nagpopositibo.

Ewan natin kung ano ang epekto ng mga pagbabakwit, lalo na sa mga tinamaan ng kalamidad na pumwersa sa mga tao na magkumpol-kumpol sa mga evacuation center gaya sa Marikina.

Pero anoman ang bunga ng kalamidad at pagbabakwit, dapat hindi tayo makalilimot na sumunod sa mga health protocol o patakarang pangkalusugan.

Huwang kalilimutang maghugas lagi ng kamay, agad maligo o magbihis pagdating mula sa labas ng bahay o trabaho, magsuot ng face mask kahit sa bahay at face shield kung lalabas, at mag-social distancing.

Isa pang mahalaga, kung sa palagay natin, eh, may mapansin tayong dala-dala ang isang tao na sintomas ng COVID-19, ikontak agad kina kapitan para umaksyon kaagad ang mga ito.

Gawin nating bahagi tayo ng mga contact tracer upang matulungan natin ang ilang libo lang na pinakikilos ng pamahalaan bilang mga contact tracer.

Isang text o tawag lang naman ang kailangan natin upang maipaalam natin sa mga kinauukulan ang ating mga suspetsa.

Magtulong-tulong po tayo lahat upang makatulong tayo sa pagbangon natin mula sa pagkakalugmok sa gutom at kahirapan, kawalan ng trabaho, pagkalugi ng negosyo at iba pa na dala ng pandemya.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here