Pasyente nagpositibo sa COVID-19, ospital isinara

0
3

Credit: Read the original article from Remate.ph.

 

Cagayan, Philippines-Agad na isinara ang isang ospital sa Aparri, Cagayan makaraang magpositibo sa COVID-19 ang isang pasyenteng senior citizen na naitakbo roon.

Mismong ang ospital na Charles W. Selby Memorial Hospital ang nag-anunsyo ng pagsasara nito, kasabay ng agarang pakikipagtulungan nito sa pamahalaang bayan ng Aparri para sa contact tracing ng lahat na nakaugnay na tao ng biktima bago at habang nakaospital ito.

Residente ang biktima ng Brgy. Punta, Aparri ngunit galing ito sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan na walang anomang rekord sa COVID-19.

Sa kanyang babala sa publiko sa pamamagitan ng Municipal Health Office, sinabi ni Mayor Bryan Chan na dinala ang biktima sa nasabing ospital nitong Nobyembre 6 makaraang tumaas ang presyon, mamaga ang mga balat at magkalagnat ito bukod sa bedridden o hindi na nakababangon sa katandaan at pagkakasakit.

Habang nasa ospital, nakaramdam na rin ng hirap sa paghinga kaya naman sinuri agad ang kanyang baga at lumantad ang mga palatandaan na may COVID-19 ito.

Dinala agad sa Cagayan Valley Medical Center at napatunayang positibo ito kamakalawa.

Bumuo na ang pamahalaang bayan ng tracing team upang makontak ang lahat ng nakasalamuha ng biktima, kabilang na ang mga laman ng sasakyang nagdala sa kanya sa Aparri mula Sta. Ana at miyembro ng pamilya nito.

Ito ang pangalawang kaso ng COVID-19 sa nasabing bayan.

Muling pinaalalahanan ni Mayor Bryan ang kanyang nasasakupan na laging sumunod sa mga health protocol, tulad ng pagsusuot ng face mask, social distancing, palagiang paghuhugas ng kamay at pag-alam ng mga tamang impormasyon ukol sa sakit. Fred Cabalbag

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here