Palasyo sa Red Cross: Gobyerno hindi tumatalikod sa obligasyon

0
0

Credit: Read the original article from Abante Tonite.

Tiniyak ng Malacañang na babayaran ng gobyerno ang natitirang utang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Philippine Red Cross (PRC).

Tugon ito ng Palasyo kay Senador Richard Gordon kaugnay sa hirit na bayaran na ng PhilHealth ang natitirang utang sa PRC dahil apektado na umano ang kanilang operasyon.

Sinabi ni Presidential Spokeaman Harry Roque na magbabayad ang gobyerno sa PRC at kinakailangan lamang ang verification sa natitira pang atraso ng PhilHealth.

Mayroon aniyang scheme sa pagbabayad ang PhilHealth sa mga obligasyon nila sa mga ahensya at ospital kaya iyon ang susundin ng ahensya.

“Magbabayad po ang national government. Napatunayan naman po ng national government na hindi po tumatalikod sa obligasyon. Kinakailangan lamang pong i-verify. Kinakailangan po ‘yan sang-ayon sa three tiered payment scheme ng PhilHealth,” ani Roque.

Nagbigay na ng paunang bayad ang PhilHealth sa PRC ng mahigit kalahating bilyong piso at mayroon pang kulang na P623.32 milyong balanse.

Matatandaang itinigil ng PRC ang swab testing sa mga umuuwing OFW noong Oktubre dahil sa hindi pagbabayad ng PhilHealth ng kanilang malaking pagkakautang. (Aileen Taliping)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here