MALAKING ABALA SA PAGKUHA NG RFID STICKERS

0
4

Credit: Read the original article from Remate.ph.

 

KAMAKAILAN lamang ay umapela ang commuter advocate group na Lawyers for Commuters Safety and Protection o LCSP sa mga kinauukulan na unahin muna ang pagsasaayos ng sistema sa pagbibigay ng RFID stickers sa halip na manakot sa paghuli sa mga motorista ang unahin.

Ito po ay kasunod ng itinakdang December 2 deadline para makapag-install na ng RFID sa mga sasakyang dumaraan ng North Luzon at South Luzon Expressways o NLEX, SLEX, at iba pang expressways sa Luzon.

Ayon nga kay LCSP Founder Atty. Ariel Inton, maganda at sinusuportahan nila ang Department of Transportation sa pagnanais nitong gawing cashless ang transaksyon tuwing dumaraan sa mga expressway, gayundin ay maganda rin ang layunin ng RFID subalit hindi na raw ginhawa ang dulot nito sa mga dumaraan ng expressways kundi kalbaryo na lang sa motorista dahil sa samu’t saring problema na nararanasan.

Eh pano naman ba, bukod sa hindi magamit sa ibang tollways ang RFID dahil magkaiba ang kompanyang nag-iisyu nito, ilan sa mga idinudulog sa LCSP, ang late activation, ang pagkain o pagkawala ng load, hindi pagbasa ng sticker sa mga tollgate at naglolokong software sa mga expressway kung saan nangyayari ang biglaang pagbagsak ng mga pangharang nito sa mga sasakyan at marami pang iba.

Dagdag pa raw ito ang pagtitiis na susuungin dahil daraan pa sa mahabang pila na inaabot ng ilang oras ang drivers at vehicle owners bago makapagpakabit ng RFID.

Sinabi pa ni Inton na may babala na ang Toll Regulatory Board (TRB) na maaari na raw silang manghuli ng mga sasakyang wala pang RFID pagsapit ng darating na December 2.

Ang atin din pong paalala sa mga motorista na ang RFID sticker ay kailangan lang kapag daraan sa tollways at kung ‘di naman daraan sa expressways ay hindi kailangan ang RFID sticker ang sasakyan at hindi dapat hulihin pagsapit ng deadline na Disyembre 2, 2020.

Samantala, idinulog naman sa ating hotline ng isang motoristang nagpakilalang si Archie Zapanta, ang mga pahirap na kanyang nararanasan sa pagkuha ng Autosweep RFID na magpasahanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakukuha.

Aniya, lahat nang kukuha ay dapat na raw mag-online appointment subalit problema sa kanilang online appointment ay ang website naman nag ka-crash dahil sa rami ng bultong sumusubok mag- access sa naturang site.

Sumbong pa nito na nagbigay sila ng deadline na cashless entryways na Nov. 30 subalit ang online appointment schedule ay fully book na at sa December pa uli ang available schedules.

Ipinarating pa ni Ginoong Zapanta na ayaw rin ng pamunuan ng tollway na maglagay nang walk-in sa mga expressway na magkabit ng Autosweep RFID para sana mas maging convenient sa mga motorista at walang habulan sa deadline.

Panawagan nito na sana padaliin na lang ang pagkuha nang Autosweep RFID o self stick na lang sa mga autosweep para maging madali ang proseso.

—000—000—000—

Para sa inyong komento o sumbong, maaari po kayong tumawag o mag-text sa ating 1-Ang Edukasyon Party-list Hotline: 0927.930.25.81 at makakaasa po kayo sa agarang tugon ng inyong mga mensahe.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here