KADUDA-DUDANG ORGANISASYON NI DAVID T.

0
7

Credit: Read the original article from Remate.ph.

 

NAKAPAGTATAKA ang pananahimik pansamantala, mga parekoy, nitong si Bayan Muna Party-list Rep. Isagani Carlos Zarate sa kaliwa’t kanang pagbatikos nito sa mga programa ng pamahalaan, partikular ang pagpuna niya sa isyung may kinalaman sa enerhiya.

Hindi ko alam kung nabahag ang buntot nito pero hindi naman siya aso para mabahag ang buntot niya matapos na kaliwa’t kanang banatan ng matapang na si Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa pagiging makakaliwa niya at  sentro rin sa isyung red-tagging.

Siguro nag-breaktime muna ang mama at, malay natin next year, muli na namang aarangkada sa pagbatikos. Hehehehe..

Magkagayunman, may natitira pa ring pasaway na grupo na wala pa ring sawa sa pagbatikos sa mga isyung may kinalaman daw sa karapatan ng mga konsyumer.

Isa po rito, mga parekoy, ang Matuwid na Singil sa Kuryente Consumer Alliance Inc. (MSK).

Ang balita, tila makakaliwa na rin matapos sumanib sa grupong Bayan Muna at nais na paimbestigahan ang umano’y mataas na singil sa kuryente sa pamamagitan ng generation charges na pinapasa raw ng Quezon Power Philippines Ltd. (QPPL) sa mga kostumer.

Ang sabi ni MSK co-convenor David Celestra Tan, dapat daw bumaba ang generation charges ng QPPL dahil bumaba ang presyo ng coal.

Ang QPPL na pinatatakbo ng Egco Group ng Thailand ang nagmamay-ari ng 460-megawatt Mauban coal-fired power plant sa Mauban, Quezon.

Mismong si Pres. Duterte ang humimok sa Kingdom of Thailand na mamuhunan sa Pilipinas at tumulong para magprodyus ng enerhiyang kailangan ng mga industriya at negosyong lokal para sa paglago ng ating ekonomiya.

Kabilang ang Egco Thailand sa mga tumugon sa panawagan ni Pang. Duterte sa tulong ng pamahalaang Thailand.

Ngayon, sino ba si David Celestra Tan, aber?

Mahirap na lang magsalita pero ayon sa mga naglabasang kolum sa mga broadsheet, may patong-patong na demandang nakasampa laban sa kanya sa ilang court sa San Francisco Superior Court at US Bankruptcy Court sa California, Estados Unidos.

Matindi ang mga kasong ito.

Mantakin ninyo, may “fraudulent intent” na umaabot sa $6.9 milyones umano ang liability nito dahil sa isang pagkakautang na siya ang guarantor sa Edison-Hubbard Corp.

Isang kaso pa lang po ‘yan?

How about “bankruptcy” o pagkakalugi sa negosyo na mga kaso rin ni Tan sa may limang kompanya tulad ng Energy Corp. at Central Negros Power Corp.?

Sa Korte ng Estados Unidos, pinatawan ng mabigat si Tan, lalo’t kasama rito ang deklarasyon na sinadyang tinalikuran niya ang kanyang mga pagkakautang sa mga creditor kaya tuloy ay nabansagan  siya ng naturang korte na ‘isang taong walang kredibilidad at sinungaling.’

Ang tanong, dapat bang maniwala ang mga konsyumer sa isinusulong daw ni Tan na kanilang karapatan gayong hindi pa man ay basag na basag na ang kredibilidad ng mama, hindi lang po sa ating bansa kundi pati na rin sa Estados Unidos?

Biruin n’yo, makailang beses nang binatikos ni Tan ang mga piling prodyuser at distributor ng kuryente sa bansa tulad ng Quezon Power-Egco at Meralco.

Pero kuwidaw, marami sa malalaking korporasyon sa sektor ng enerhiya ang binabalewala ng mga kritikong opinyon ni Tan patungkol sa ‘di umano’y sakit ng industriya ng kuryente.

MSK, kahina-hinalang organisasyon

Ang MSK din ay may kaduda-duda o misteryong  pagpapatakbo ng kanilang organisasyon.

Imagine dalawa ang nakalistang address ng tanggapan nito, at nahalatang dinoktor daw ang General Information Sheet submissions nito sa Securities and Exchange Commission (SEC) tungkol sa panahon ng pagsimula nito bilang negosyo at report na pondo.

Ayon sa pinakahuling balita, muling bumaba ang singil ng Meralco sa buwang kasalukuyan kaya lalong nakalilito at tila ampaw ang mga akusasyon ng MSK at ni Tan.

Ayon sa Meralco, bumaba ang retail rates ng Meralco sa pinakamababang lebel nito sa nakaraang ilang taon.

Nitong Disyembre nga, nag-anunsyo ang Meralco ng pagbaba ng singil sa kuryente ng P0.0352 per kilowatt hour o P8.4753 per kwh, mas mababa kaysa noong Nobyembre na P8.5105 per kwh.

Nagkukumahog na nga si Pangulong  Duterte at kanyang mga economic adviser para mag-isip ng mga paraan upang matulungang bumangon ang ekonomiya mula sa Covid 19, heto pa si Tan na naninira.

Hindi natin kailangan ngayon ng mga maninira na tulad ni Tan na ang hangad lamang ay ang sarili nilang pagkakakitaan.

Anomang puna o reklamo, i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com o juandesabog48@gmail.com.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here