Female personality abusado sa production

0
3

Credit: Read the original article from Abante Tonite.

Isang source ang nakapagkuwento sa amin kung paano binigyan nang matinding sakit ng ulo ng isang pamosong female personality ang produksiyon na dapat sana’y makakatrabaho niya.

Nu’ng una ay maayos ang pag-uusap nila ng produksiyon, punumpuno ng sorpresa, kasi nga ay ‘yun ang magmamarka ng muli niyang pagbabalik pagkatapos nang ilang taon.

Pero umiral ang pagiging palalo at pabagu-bago ng takbo ng utak ng babaeng personalidad, parang pinaglalaruan niya ang grupo, hanggang sa hindi na nga natuloy ang proyekto.

Sabi ng aming source, “Ngayon, alam na namin kung bakit palaging hindi natutuloy ang mga projects niya. Grabe ang takbo ng isip niya, ang bilis-bilis magpalit, wala siyang pakialam sa mga taong inaabala niya!

“Alas tres nang hapon, okey na ang lahat, plantsado na ang mga segments, nakalatag na ang buong content ng show. Pero alas sais nang gabi, iba na naman!

“May mga babaguhin na naman! Palaging ganu’n, ang dami-dami niyang ipinababago, grabe pala talaga ang ugali ng taong ‘yun!” unang manghang-manghang kuwento ng aming kausap.

Dahil sa pagbabagu-bago ng takbo ng utak ng babaeng personalidad ay napuno na sa kanya ang produksiyon. Kumalas na ang kanyang producer, napuno na ito, isang napakalaking bangungot ang ginawa sa kanila ng palalong female personality.

Dagdag na impormasyon pa ng aming source, “Pinakikialaman niya pati ang programing. Siya ang kailangang masunod, samantalang wala naman dapat siyang pakialam du’n, dahil talent lang siya ng produksiyon!

“Meron siyang inayawang female personality, ‘yun dapat ang ka-back-to-back niya. Ayaw raw niya! Ang tanging pagkakamali niya, e, pinamili niya ang produksiyon. Siya o ako?

“Napakasakit, sobrang sakit ng narinig niyang desisyon ng production! Inilaglag siya! ‘Yung inaayawan niyang female personality ang pinili!

“Wala kasing kaartehan ‘yung inaayawan niya, hindi niya katulad na nu’ng magpasabog ng kaartehan at pagiging mayabang ang langit, e, nagtanggal siya ng bubong kaya nasambot niyang lahat!” madiing-madiing komento ng aming kausap!

Nganga siya!

April Boy ‘di namatay sa COVID-19

Malinaw na nasa death certificate ng Jukebox Idol na si April “Boy” Regino ang dahilan ng kanyang pagpanaw. Cause of death: Acute Respiratory Disease–Kidney Disease Stage 5. 1961-2020.

Nang gumaling ang una niyang sakit, prostate cancer, ay naging malaking problema naman ni April Boy ang kanyang kidney. Nasa lahi nila ang nasabing sakit.

Mismong si Vingo, nakababatang kapatid ni April Boy na nakasama niya sa grupong April Boys ay nagbigay ng rebelasyon, “Kidney talaga ang palaging sakit ng pamilya namin. At ang nakakalungkot pa, maiigsi ang buhay namin, hanggang fifty plus lang.

“Ang kapatid naming si Jimmy, 30% na lang ang kidney niya ang gumagana ngayon. Matagal na panahong nakipaglaban ang Kuya April ko sa problema niya sa kidney,” lumuluhang pahayag ni Vingo.

May mga taong walang alam sa mga detalye ng pagpanaw ni April Boy ang nagmarunong sa pagsasabing COVID-19 daw ang kanyang ikinamatay.

Ang namamatay dahil sa ganu’ng sakit ay hindi na pinapayagang iburol pa, diretso na sagad sa cremation ang ganu’ng senaryo, walang lamay.

Sana lang ay ihatid natin si April “Boy” Regino sa kanyang huling hantungan na may kakambal na respeto at dignidad. Sa totoo lang tayo. Tama na ang mga haka-haka na nakakapanakit sa kanyang mga iniwan.

Pinasaya naman tayo ng Jukebox Idol sa pamamagitan ng kanyang mga likhang awitin na mawala man siya ay maaalala pa rin ng mundo ng musika, palagi pa ring buhay sa ating alaala ang kanyang mga piyesa, kaya sana’y sundin natin ang salitang “Rest in peace.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here