DOLE-GIP PUPUNO SA KAKULANGAN SA PROPESYON NG AGRIKULTURA

0
8

Credit: Read the original article from Remate.ph.

 

DAANG propesyunal sa agrikultura ang nakatakdang i-deploy sa iba’t ibang tanggapan at proyekto ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng programa nitong Government Internship Program (GIP).

Sa kasunduang nilagdaan kamakailan nina Labor Secretary Silvestre Bello III at Agriculture Secretary William Dar, daang technical at agricultural biosystem engineer at mga nagtapos ang magtatrabaho sa Department of Agriculture na tinatayang pupuno sa kakulangan para sa pangangailangan sa propesyon ng agrikultura.

Sa ilalim ng kasunduan, ang mga propesyunal sa agrikultura ay ide-deploy sa iba’t ibang proyekto at tanggapan ng gobyerno.

Sinabi ni Bello na batay sa JobsFit Labor Market Information Report 2022, maraming trabaho sa sektor ng agribusiness ang in-demand ngunit mahirap mapunan.

Kabilang dito ang Agricultural Economist, Animal Husbandry, Aqua-culturist, at iba pa sa sektor ng agricultural at biosystems engineering.

Ang in-demand occupation ay mga bakanteng trabaho na paulit-ulit na inaanunsyo ng establisimyento at industriya at may mataas na turnover o replacement rate.

Ang hard to fill occupation ay mga bakanteng trabaho kung saan nahihirapan ang kompanya na punan ito sa dahilang hindi kwalipikado ang mga aplikante o walang suplay ng mga aplikante.

Nahihirapan din ang mga employer na punan ang mga trabahong ito dahil karamihan sa kwalipikadong aplikante ay mas pinipiling magtrabaho sa ibang bansa, naghahanap ng mas mataas na sahod o may problema sa iskedyul sa trabaho o lokasyon.

Sinabi ni Bello na bagama’t itinutuon ng Pilipinas ang ekonomiya tungo sa manufacturing at service, ito pa rin ay isang agrikulturang bansa kung saan mahigit sa isang-katlong bahagi ng labor force ay nagtatrabaho sa agrikultura na binubuo ng pagsasaka, pangingisda, forestry at livestock.

Batay sa datos mula sa DOLE-Bureau of Local Employment, sinabi ni Bello na may 711 Agricultural at Biosystems Engineers ang pumasa sa licensure examination at humigit-kumulang na 1,000 bagong nagtapos sa agricultural at biosystems engineering ang madaragdag sa labor market.

“Mula sa labor and employment perspective, ang pagbubuo ng rural sector ay importanteng unang hakbang para sa ating bansa upang makapagbigay ng mas marami at maayos na trabaho para sa mahihirap.

Tatlong-kapat na bahagi ng mahihirap ay nagtatrabaho sa kanayunan at agrikultura, na nangangahulugan na ang agrikultura ay may mahalagang papel para mabawasan ang kahirapan,” ani Bello.

Ang DOLE-GIP ay isang programa na naglalayong magbigay ng oportunidad para sa mga kabataang manggagawa na magtrabaho sa mga ahensya, proyekto at programa ng pamahalaan sa nasyonal at lokal.

Ang internship ay tatagal ng tatlong buwan hanggang anim na buwan at may sahod na katumbas sa kasalukuyang minimum na sahod sa rehiyon kung saan magtatrabaho ang benepisaryo at tatanggap din ng insurance coverage.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here