BAWAL MAGSAMA NG MGA BATA SA MALL

0
2

Credit: Read the original article from Remate.ph.

 

IPINAGDIINAN ng ating mga punong lungsod o mga mayor sa Kamaynilaan na hindi nila pinapayagan ang pagbitbit ng ating mga tsikiting sa ating pamamasayal o pamimili ng Pamasko sa mga mall.

Bagama’t niluwagan na nang kaunti ng ating pamahalaang nasyunal ang mga paggalaw ng ating mga kababayan upang sumigla na rin ang ating ekonomya at makabawi sa malaking pagkalugi, ang ating mga lokal lider naman ay isinasaalang-alang pa rin ang pagliligtas sa lahat, sa panganib na dala ng virus na COVID-19.

At upang mabantayan mismo ang kalusugan ng lahat, ipinaubaya nga ng nasyunal na pamahalaan ang kalagayan ng mga kabataan maging ang mga musmos pa sa ating mga lokal lider.

Sa huli nga nitong pagpupulong, nagkaisa ang labing-pitong mayor ng National Capital Region o Metro Manila na ipagbawal pa ang paglabas ng mga kabataan.

Kasi nga, ay nakikita pa rin nila ang panganib sa pandemya nating ginagalawan. Ibig sabihin ay naririto pa ang virus na nakamamatay.

So, para maiwasan lalo ito, muli nilang iginiit na hindi pa dapat palabasin ang mga mas nakababatang miyembro ng lipunan.

Kung sa kasalukuyan ang mga may edad na 18 hanggang 60 ang pinapayagang makalabas ng kani-kanilang mga tahanan, mananatili pa rin ito kahit na ngayong Kapaskuhan.

Maging mga pediatrician at mga dalubhasang doktor sa nakahahawang mga sakit ay sang-ayon dito.

Kasi nga, ang mga bata raw ay madaling makapanghawa dahil sa taglay nilang kalikutan.

“Silent spreader” pa nga ang tawag nila sa mga ito.

Ayaw ng ating mga dalubhasa na muling tumaas pa ang mga kaso ng COVID-19, na sa ngayon ay lagpas apat na daang libong kaso na, at ang mga namatay ay lagpas walong libo na.

Huwag na tayong sumuway sa kautusang ito.

Iniiwas lang naman tayo ng ating mga mayor sa kapahamakan.

Ang kanilang desisyon ay nakabase rin sa mga pahayag ng mga eksperto sa kalusugan.

May mga iba pa namang lugar na pwede nating isama ang ating mga tsikiting, tulad ng mga parke at pasyalan, mas ligtas pa ang kapaligiran na ito para sa ating mga kabataan at maging sa kanilang pangangatawan.

Siyempre nariyan pa rin ang pagsunod natin sa mga dapat na gawin at iwasan para ‘di mahawaan ng virus.

Mayroon tayong 13,000,000 naninirahan dito sa Kamaynilaan, at kalahati ng kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 ay naitala rito.

Huwag na nating palakihin ang bilang na ito, sumunod tayo sa lahat ng ipinag-uutos sa atin ng pamahalaan, mapa-nasyunal o lokal man.

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here