ALAMIN ANG SUWELDO NG SAFETY OFFICER!

0
7

Credit: Read the original article from Remate.ph.

 

NAPAKAIMPORTANTENG pag-usapan ang kitaan sa pagiging safety officer (SO). Para sa iba, nagsisilbing motibasyon ang pagkakaroon ng sapat o malaking suweldo upang mas maging masigasig ang isang SO sa paggampan ng kanyang trabaho. Subalit, magkano nga ba ang maaari niyang suwelduhin sa isang buwan?

Sa bagong batas na may kaugnayan sa pagpapatupad ng occupational safety and health dito sa Pilipinas, maaaring magmulta ng hindi bababa sa P40,000 kada araw ang isang kompanya kung wala itong nakatalagang SO.

Aba kung ganoon, pabor ito para sa mga kababayan nating naghahanap ng trabaho. Kabilang dito ang mga bagong graduate, ex-OFW at mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya. Pero ang tanong dear readers, magkano naman kaya ang maaaring suwelduhin ng ating mga katoto?

Sa ating pagmimiron sa mga jobsite at pagtatanong sa mga kabarong SO na ayaw magpabanggit ng pangalan, napag-alaman na umaabot sa P18,000 hanggang P20,000 ang suweldo ng isang SO1, ang pinakamababang kategorya ng SO. Sa ating listahan, may P25,000 hanggang P30,000 ang maaaring kubrahin ng isang SO2, pangalawang kategorya. Aba, ayos na rin ito, at least mas mataas pa rin kaysa minimum wage.

Sa pangatlong kategorya o SO3, may tumatanggap ng mula P30,000 hanggang P45,000 at maaari pang madagdagan ito kung DOLE-accredited occupational safety and health (OSH) practitioner ang ating SO3.

Sa panghuli, pumapalo sa tumataginting na P50,000 hanggang P120,000 ang SO4 na may pinakamataas na kategorya.

Karaniwang mga DOLE-accredited OSH practitioner at consultant ang mga SO4 na mayroong ganitong suweldo.

Maraming salamat nga pala sa internet at sa mga nagbigay ng SO salary range. Salamat mga Bossing, kahit naniningkit na ang ating mga mata sa pamboboso sa ipinagkatago-tago ninyong payslip he-he-he.

Sa ibang bansa katulad ng Middle East, maaaring makatanggap ang isang SO ng buwanang suweldo mula P50,000 pataas. Mayroon ding nakakatanggap ng P25,000 pataas kada araw o P700,000 o higit pa sa loob ng 28 araw. Nakagugulat hindi ba?

Anoman ang pigura ng ating suweldo, maliit man o malaki sa paningin ng iba, mahalaga pa ring alamin at patuloy na pag-aralan ang ilang bagay patungkol sa OSH.

Ating paghusayan ang propesyong makatutulong upang mapanatiling ligtas at malusog ang ating mga manggagawa.

Maging mapagmatyag at umaksyon upang masiguro ang tamang pagpapatupad at pagpapasunod ng may-ari ng kompanya o kinatawan nito sa OSH rules at mga kaugnay na panuntunan para sa proteksyon ng mga manggagawa.

At sa huli, isang produktibo at progresibong kompanya ang matutunghayan ng lahat ng dahil sa masisipag at magigiting na safety officer.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here